INALAAN ng Commission on Human Rights ang gobyerno patungkol sa paggamit ng pulisya ng yantok para madisiplina ang publiko sa pagsunod sa health protocols kontra COVID-19.
Ayon kay CHR spokesperson Atty. Jacqueline Anne de Guia, ang paggamit ng puwersa ay maaaring magdulot ng trauma at pagkapahiya.
Diin ni de Guia, bagamat kailangang gawin ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang maipatupad ang health safety protocols sa gitna ng pandemya, mahalagang narerespeto pa rin sa lahat ng pagkakataon ang karapatang pantao at dignidad.
Sinabi ni de Guia na ang pagbabanta ng paggamit ng yantok sa mga lumalabag sa quarantine measures ay hindi tamang hakbang para tugunan ang health crisis.
Sa halip, ipagpatuloy na lamang aniya ang pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko patungkol sa panganib sa paglabas ng bahay sa gitna ng pandemya.
“We wish to caution the government against unnecessary use of force and actions that may lead to humiliation and trauma. Violence, even in its slightest suggestion, is not the best way to address the pandemic. Rather, government should continue to employ information dissemination to make the people understand the hazards of going out in the midst of a pandemic,” ani de Guia.
Ipinunto pa ni de Guia na ang COVID-19 pandemic ay hindi isyu ng peace and order kundi problemang pangkalusugan.