Breaking News

Share this information:

NANGUNGUNA ang takot sa posibleng adverse events na mararanasan kaya’t may alinlangan ang ilang mga Pilipino na magpaturok ng bakuna kontra COVID-19.

Inihayag ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng kanilang isinagawang online survey sa mahigit 43,000 indibidwal mula sa A1 hanggang C priority groups.

Ibig sabihin aniya, marami pa rin ang nababahala sa magiging epekto ng bakuna sa katawan ng tao.

Ngunit iginiit ni Vergeire na wala pang isang porsyento ng mga tumanggap ng COVID-19 vaccine ang nakaranas ng seryosong adverse events habang 1.10 % ang nagkaroon ng minor side effects.

Bukod sa epekto sa katawan ng bakuna, tinukoy ni Vergeire na ang negatibo at maling impormasyon na kumakalat sa social media ang ikalawang pangunahing dahilan ng pag-aalinlangan ng mga tao na magpabakuna.

Ikatlong pangunahing dahilan naman ay ang pagdududa aniya kung epektibo ang COVID-19 vaccines.

Sinabi ni Vergeire na patuloy ang vaccine education campaign ng pamahalaan at regular ding dumadalo sa mga town hall meeting ang vaccine experts.

“Sinasabi rin ng ating mga eksperto that we cannot really communicate our way out para tumaas ang pagbabakuna. Meron din po tayong kailangan tingnan sa parte naman ng supply side o sa amin sa gobyerno na ‘yung access na parte,” ani Vergeire.

“Isa po ‘yan sa tinitingnan natin ngayon, together with the vaccine cluster, kung paano pa natin mai-improve ang access ng mga tao dito sa pagbabakuna natin para mas dumami pa ang magpapabakuna,” dagdag nito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: