NAGBABALA si Taguig City Mayor Lino Cayetano sa mga residente ng lungsod na posibleng magpatupad ng lockdown sa lungsod dahil sa mga paglabag sa umiiral na health at safety protocols kontra COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cayetano na maaaring magpairal ng bagong quarantine restrictions.
Sinusubok naman aniya ng Taguig City na maging ligtas at bukas sa mga negosyo ang lungsod ngunit nakokompromiso na ngayon dahil sa pagiging pabaya at pasaway ng ilang establisyimento at mga residente.
May mga natatanggap umanong ulat ang alkalde patungkol sa mga social gathering at pa-sikretong operasyon ng ilang bar kahit bawal pati ang ilang contact sports tulad ng basketball.
Hanggang nuong Disyembre 18, mayruon nang naitatalang 10,266 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Taguig City.
Sa nasabing bilang, 10,077 ang gumaling at 122 ang namatay.
Tagaytay City, Quezon City walang lockdown
Itinanggi naman ng lokal na pamahalaan ng Tagaytay na may ipatutupad itong lockdown bago ang Araw ng Pasko.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Agnes Tolentino na mayruon lamang apat na aktibong kaso ng COVID-19 sa Tagaytay City at dalawa sa mga ito ay nakatapos nang sumailalim sa quarantine.
Ayon kay Tolentino, maliban na lamang kung may anunsyo mismo ang Inter-Agency Task Force o IATF, sa ngayon ay walang katotohanan na may lockdown sa Tagaytay City.
Samantala, itinanggi rin ni Alberto Kimpo, Assistant City Administrator ng Quezon City, ang kumakalat na magpapatupad ng modified enhanced community quarantine sa lungsod.
Sinabi ni Kimpo na hindi rin nagpahiwatig si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng pagnanais na mabago ang klasipikasyon ng quarantine status ng lungsod.

