Kontrata sa pagbili ng COVID-19 vaccine, posibleng maisara sa mga susunod na linggo – Galvez

Share this information:

TARGET ng gobyerno na makapagsara ng kontrata para sa pagbili ng COVID-19 vaccine sa mga susunod na linggo.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr., posibleng bago matapos ang Disyembre hanggang sa unang linggo ng Enero ng susunod na taon ay mabubuo na ang kasunduan sa mga vaccine manufacturer.

Muling naninindigan si Galvez na hindi nawala sa gobyerno ang oportunidad na maagang makakuha ng suplay ng bakuna.

Tiniyak pa ni Galvez na nasa tinatawag na advanced stages ng negosasyon na ang Pilipinas sa mga vaccine manufacturer.

Kumpiyansa ang opisyal na matutuloy ang paunang delivery ng mga bakuna sa Marso ng susunod na taon.

US official tutulong sa negosasyon sa Pfizer

Susubukan umano ni US Secretary of State Mike Pompeo ang makakaya nito upang matulungan ang Pilipinas na maibalik ang deal sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 sa Pfizer.

Ayon iyan kay Department of Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr., kasunod ng sinasabi nitong mayruong nagpabaya kaya’t naunsyami ang negosasyon ng Pilipinas at Pfizer.

Sinabi ni Locsin na nakausap na niya si Secretary Pompeo at siniguro nitong gagawin ang makakaya para tulungan si Philippine ambassador to the United States Babe Romualdez na maipursige ang pagbili ng bakuna sa Pfizer.

Nauna nang sinabi ni Locsin sa kanyang tweet na nakatakda na sanang i-deliver ng Pfizer ang 10 milyong doses ng COVID-19 vaccines sa darating na Enero ngunit mayruong sumablay kaya’t hindi natuloy.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.