Breaking News

Share this information:

Nagsagawa ng symbolic vaccination para  sa mga education frontliners ang Department of Health (DOH) ngayong Martes na ginanap sa Universidad de Manila.

Bilang bahagi ng  A4 priority group, limang education frontliners na binubuo ng  janitor, security guard, full-time faculty, information and communications technology director, at empleyado mula sa registrar’s office  ang nabakunahan sa symbolic vaccination.

Ang symbolic event  ay inilaan upang  makatulong na mapalakas ang kumpiyansa  sa pagbabakuna dahil ang gobyerno ay nakatakdang magbakuna ng A4 priority population group sa sandaling ang suplay ng mga bakuna ay sapat.

Tulad ng iba pang frontliner sa sektor ng edukasyon, ang mga kawani ng  Universidad de Manila ay patuloy na nagtatrabaho upang masiguro na ang kanilang mga estudyante ay makatatanggap ng de-kalidad na edukasyon sa kabila  ng paghihigpit na ipinatutupad dahil sa pandemya.

“Ang ating simbolikong pagbabakuna ngayong araw ay ang aming tugon sa dedikasyon at serbisyo ng ating mga manggagawa sa sektor ng edukasyon. Tunay na marangal ang tungkuling ginagampanan ng ating frontliners sa sektor ng edukasyon, kaya’t bilang tugon dito ay nais naming tiyakin ang kanilang kaligtasan. Nawa’y patuloy nating paigtingin ang ating pagkilos tungo sa mas magandang kinabukasan ng ating bansa,” ayon kay  Health Secretary Francisco Duque III.

Ang  symbolic vaccination ay bahagi ng 27th Founding Anniversary Week ng Commission on Higher Education (CHED).

Nilagdaan ni Presidente Duterte ang Republic Act (RA) 11522 noong  February 2021  na nagdedeklara na ang ika-18  ng Mayo bilang “National Higher Education Day” upang gunitain ang founding anniversary ng CHED.

Nitong Mayo 15, nakapagbakuna  na ng kabuuang 1.6 milyong doses para  sa A1 priority group, 672,000 para sa A2 na pangkat na prayoridad, at 647,000 para sa pangkat na prayoridad ng A3.

 Ang A4 priority group ay nauna nang nagkaroon ng simbolikong pagbabakuna sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga minimum wage earners noong  Labor Day. 

Samantala, hinikayat naman ng DOH ang publiko  na sumunod pa rin sa minimum public health standards (MPHS) kahit matapos nang bakunahan upang mapigilan ang  transmission ng COVID-19. 

Hinikayat din ng DOH ang publiko na magpabakuna ng libre  kapag panahon na nila  sa pamamagitan ng kanilang mga LGUs upang magkaroon ng proteksyon laban sa COVID-19.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: