Swab test, mandatory sa mga residenteng balik-Maynila — Mayor Isko

Share this information:

Nilinaw ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na mandatory at hindi voluntary ang pagsalang sa swab test ng mga residente ng Maynila na magbabalik sa lungsod matapos magbakasyon sa kanilang mga probinsiya..

Ayon kay Moreno, hinihikayat niya ang lahat ng mga bakasyunista na sumalang sa libreng swab test upang matiyak na hindi sila nahawa ng Covid 19 habang nagdiriwang ng holiday season sa kanilang mga probinsya. 

Aniya,  ito ay isang pre-emptive measure ng pamahalaang lungsod ng Maynila upang matiyak na hindi tataas ang bilang ng mga kaso ng Covid sa lungsod na sa kasalukuyan ay nasa 300 margin. 

Maaari umanong  sumalang sa swab test sa anim na ospital  sa Maynila, mga malls at terminal. 

Paliwanag pa ng alkalde, ang mga tatanggi sa swab test ay walang magagawa kundi sumalang dito dahil libre naman ito. 

Muli ding giniit ng alkalde na walang magaganap na Traslacion sa pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno. 

Gayunman, upang mapagbigyan ang mga deboto ay isasara ang ilang kalsada upang makapaglagay ng wide screen para sa mga deboto na nagnanais makadalo ng misa sa mismong araw ng Kapistahan ng Itim na Nazareno. 

Samantala, hinggil naman sa presidential race para sa 2022, muling iginiit ni Moreno na wala siyang balak na sumabak sa karera sa pagka-presidente o anumang mas mataas na posisyon. 

Ito ay kasunod ng pagkakasama ng pangalan niya sa  listahan ng nga napipisil na presidentiable base sa Pulse Asia Survey kung saan nasa ikaapat na pwesto ang alkalde. 

Ayon kay Moreno, nagpapalasalamat siya sa mga sumusuporta sa kanya subalit sa ngayon ay wala siyang balak na umakyat sa mataas na pwesto dahil naka focus siya sa lungsod ng Maynila at sa kinakaharap na pandemya. 

“I am grateful, but let’s face the reality, that there is still this pandemic, and I don’t want to  entertain any thoughts on political growth,” ani Moreno. 

Bukod kay Moreno, kasama rin sa mga pinagpipilian bilang susunod na Pangulo sina Davao City Mayor Sara Duterte,  dating Senador Bongbong Marcos at Sen. Grace Poe. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.