TODAS ang isang miyembro ng Philippine Marine Corps habang apat na iba pa ang sugatan nang sumabog ang nadaanan ng kanilang convoy ang nakatanim na improvised explosive device sa Barangay Lipongo, bayan ng Datu Hoffer, Maguindanao.
Ayon sa militar, binabagtas ng mga tauhan ng 5th Military Company, Marine Battalion Landing Team 5 ang kalsada sa nabanggit na barangay nang sumambulat ang anti-personnel mine.
Sinasabing sa naturang lugar din nagkaroon ng pagsabog nang dumaan ang convoy ng mga pulis nuong nakaraang buwan.
Itinuturing naman ni Major General Juvymax Uy, commander ng AFP Joint Task Force Central na isang terorismo ang pagsabog.
Hindi muna pinangalanan ang mga biktimang sundalo habang ipinababatid sa mga kaanak nito ang insidente.
“This horrendous act perpetrated by the terrorists is simply unacceptable,” diin naman ni Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., Commander ng Armed Forces Western Mindanao Command.
“Rest assured that we will exhaust every available resource to bring the perpetrators to justice,” dagdag pa ni Vinluan.