TODAS ang hepe ng Sulu Provincial Police Office makaraang pagbabarilin ng kanyang tauhan sa gitna ng pag-iinspeksyon nito sa quarantine control point sa Barangay Asturias, Jolo sa Sulu, Biyernes ng hapon.
Batay sa paunang impormasyon mula sa PNP, dakong alas-4:20 ng hapon nang mangyari ang insidente na ikinamatay ni Police Colonel Michael Bawayan, Jr., 49-anyos, may-asawa at residente ng Baguio City.
Natukoy naman ang suspek na si Police Staff Sergeant Imran Jilah, 43-anyos, may-asawa at residente Kasalamatan Village, Brgy. San Raymundo, Jolo, Sulu.
Lumalabas na nag-iinspeksyon sa checkpoint ang biktima nang pagbabarilin umano ni Jilah. Mabilis namang nakaresbak ang security escort ni Bawayan at binarily din si Jilah na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Bagamat naisugod sa ospital si Bawayan, hindi na rin umabot ng buhay. Patuloy nang sinisiyasat ng mga awtoridad ang motibo ng pagpatay kay Bawayan.

