Bilang pagtugon ng Local Government Unit (LGU) ng Maynila sa ipinapatupad na Health Safety Protocols kaugnay sa COVID-19 pandemic ay pansamantalang isasara ang lahat ng sementeryo sa lungsod simula sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3.
Ito ay matapos na ihayag mismo ni Manila Mayor Isko Moreno sa kanyang Facebook live at sinabi nitong nilagdaan na aniya ang Executive Order no. 38 para sa pagsasara ng mga sementeryo sa Maynila sa nabanggit na petsa.
Paliwanag ng alkalde, layon nitong maiwasan ang kadalasang nangyayaring siksikan ng mga bumibisita sa mga sementeryo tuwing Araw ng mga Patay.
Makatutulong aniya ang pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo upang hindi na kumalat pa ang sakit na COVID-19 virus.
Maaga aniyang inanunsiyo ito upang mabigyan ng sapat na panahon na makabisita sa mga mahal na buhay na nakahimlay sa mga sementeryo sa Maynila.
Dagdag pa nito, magiging malaking hamon aniya sa mga pamahalaang lokal ang pagpapatupad ng physical distancing.
“Kaya po inagapan namin ‘yung future problem. Alam po natin ‘yan. Hindi naman po natin maikakaila na ‘yan po ay mangyayari. Bago pa man, kaysa po magkabiglaan po tayo at biglang ura-urada ang pamahalaan ay bigla na lamang pong kakanselahin ang mga tradisyon o kultura, pero minsan kailangan din, pero ito po, sa siyudad ng Maynila, ninanais ko pong mabisita niyo pa rin ang inyong mga mahal sa buhay na nahimlay,” pahayag ni Moreno.
Humingi naman ng pasensiya ang alkalde dahil isa aniya ito sa mga epekto ng tinatawag na “new normal.”
“Kung sakali naman, mga kababayan, halimbawa ay patuloy na bumuti ang sitwasyon natin sa pandemyang ito, ibig pong sabihin ay na-zero na, wala nang kaso ng Coronavirus sa Lungsod ng Maynila pagdating ng October 31, akin pong babawiin itong executive order na ito,” dagdag pa ng alkalde.
Maliban dito, sinabi rin ng alkalde na, “kung sakali naman dumating ang vaccine para sa Coronavirus para hindi na tayo magkasakit at gumaling na rin ang mga maysakit by October 30, akin din po itong kakanselahin.”
Binanggit din nito na naglaan na ng Manila City government ng P200 milyon para makabili ng bakuna laban sa COVID-19 sakaling magkaroon na.
Napag-alaman base sa datos ni Moreno, umaabot sa mahigit 1.5 milyon ang bisita sa Manila North Cemetery taun-taon habang 800,000 naman sa Manila South Cemetery.