Pagawaan ng mga pekeng dokumento sa Maynila, sinalakay; 9 timbog

Sinalakay ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang pagawaan ng mga pekeng dokumento kabilang ang rapid test at medical certificate results para sa COVID-19 virus sa Sta. Cruz, Maynila.

Kasabay ng naturang operasyon ay siyam na indibidwal ang nadakip habang aktuwal na nag iimprenta ng mga pekeng papeles sa itinayong tindahan sa kahabaan ng Alfonso Mendoza St.

Batay sa report na natanggap ni Police Brig. General Rolando Miranda, District Director ng MPD, nakilala ang mga suspek na sina: Rommel Gonzales, 38, negosyante at nagmamay-ari ng tindahan at mga operator na sina Randrex Gonzales, 34, Richelle Gonzales, 38, Elizabeth Raposas, 41, Mary Jean Guban, 30, Rose Marie Saludo, 32, Maricar Pabello Bacani, 33, Deobert Sasy Yordan, 20, at isang menor de edad na lalaki.

Napag alaman sa imbestigasyon, nakatanggap umano ng impormasyon mula sa ilang konsernadong residente sa lugar ang umanoy lantarang paggawa ng mga huwad na dokumento ng mga suspek.

Isang pulis na nagpanggap na customer sa tindahan at nagkunwaring nagpapagawa ng Travel Authority sa halagang P500. Matapos magawa ang dokumento at maibigay ng suspek sa pulis ay dito na sila sinalakay.  

Nakumpiska ng mga raiding team mula sa Sta Cruz Police Station ang ibat ibang pekeng dokumento, ilang mga computer sets at printers.

Nabatid na kabilang sa mga pekeng dokumento na ginagawa ng mga suspek ay ang Travel Pass, Swab Results, Medical Certificate, IATF Cards, police clearance, NBI clearance, Transcripts of Records of Schools, mga diploma, drivers license, business permit, BIR receipts at iba pa.

Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Violation of Article 172 o Falsification by private individual and use of Falsified Document at Article 174 o False Medical Certificate sa ilalim ng RA 11332.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.