Papayagan ang mga senior citizen o nakatatanda na magwalk-in sa mga vaccination site habang umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang lugar sa bansa.
“Walk-in shall not be allowed except for priority group A2,” pahayag ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje.
Pero aniya, dapat matiyak ng mga nagbabantay na pulis na ang pupuntahan talaga ng mga senior citizen ay sa vaccination centers.
Kailangan din aniyang maging tapat ang mga senior citizen kapag lalabas ng bahay kung sila ay may iskedyul na ng bakuna at patungo sa vaccination sites.
Sinabi pa ni Cabotaje na dapat ding unahin ang mga senior at may co-morbidities na nagparehistro sa bakunahan at mayruong priority lanes para sa kanila.
Una nang inihayag ng DOH na hindi papayagan ang walk-in sa panahon ng ECQ upang maiwasan ang dagsa ng mga tao sa mga lugar ng bakunahan.

