NAGKAISA ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na huwag payagang dumalo “virtually” si suspended Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa kanilang pagdinig kaugnay sa pagpatay sa karibal nito sa pulitika na si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito’y matapos magsagawa ng executive session ang mga miyembro ng komite upang pag-usapan ang apela ni Pamplona Mayor Janice Degamo, asawa ng napatay na gobernador, na huwag payagan ang “puganteng” si Teves na dumalo sa imbestigasyon virtually.
“The members of this committee unanimously agree not to allow the virtual presence of Congressman Teves,” saad ni Sen. Ronald Dela Rosa.
Suportado naman ni Senador Risa Hontiveros ang apela ni Janice Degamo na dapat ay personal na dumalo si Teves kung nais nitong makibahagi sa imbestigasyon.
“Para kay Rep. Teves, sana ay umuwi ka na para harapin ang mga isyu at kasong ipininupukol sa iyo. Sir, sa ikapapanatag ng lahat, sana po ay magpakita ka dito sa ating hearing physically at hindi virtually,” ani Hontiveros.
Ayon kay Dela Rosa tumanggi si Teves na ibunyag ang kanyang lokasyon.
Binanggit ni Sen. Francis Tolentino ang panuntunan ng Commission on Appointments na kung nasa ibang bansa siya ay kailangang nasa loob ng embahada ng Pilipinas o konsulado “so the commission will have jurisdiction, as well as enable the commission to take their oath.”
“Legal issues will arise as to the taking of oath as a basic requirement in taking testimonies of any resource person or witness. The whereabouts of Cong. Teves is not known or definite. Thus, jurisdiction as to his oath may be questioned legally,” paliwanag naman ni Dela Rosa.
Bagama’t nagdesisyon na ang komite na huwag payagang dumalo si Teves sa imbestigasyon virtually, sinabi naman ni Dela Rosa na hindi niya isinasara ang pinto para kay Teves na maaaring dumalo ng pisikal upang maipaliwanag ang kanyang panig.