Sementeryo sa Makati City, nakatakdang wasakin ng LGU

Share this information:

Umapela ang pamahalaang lungsod ng Makati sa lahat ng mga may mahal sa buhay na nakalibing sa Makati Municipal Cemetery na makipag-ugnayan sa kanila sa paglilipat ng mga nakalibing para bigyan-daan ang pagtatayo ng isang Columbarium sa lungsod.

“Sa darating na Oktubre 8, 2020 ay sisimulan na ng lungsod ang demolisyon ng sementeryo at ang pagpapatayo ng Makati Columbarium upang matugunan ang pangangailangan ng #ProudMakatizens para sa maayos at disenteng libingan ng mga pumanaw na mahal sa buhay,” abiso ng Makati Health Department (MHD).

Sa Makati Health Department (MHD) dapat umanong makipag-ugnayan sa 8870-1609 o 8870-1610 para sa mga detalye at proseso para maipalipat na ang mga labi na apektado ng proyekto.

Pangangasiwaan ng lokal na pamahalaan ang itatayong Columbarium at libre ang cremation at inurnment services para sa “Makatizens” anuman ang estado sa buhay.

Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay, bukod sa magkakaroon ng karagdagan at maayos na disenteng himlayan ay maso-solusyunan pa ang kakulangan sa espasyo.

Siniguro din ng alkalde sa mga residente na ang pasilidad ay dinisenyo bilang people-friendly at environment-friendly at magtataguyod ng kaligtasan, kaginhawaan at katatagan.

Ayon sa Site Development Plan mula sa City Engineering Department, unang itatayo ang dalawang gusali ng columbarium kung saan ilalagay ang chapel, viewing areas, cremation area, at 14,784 urn vaults.

Sakop ng pasilidad ang 4,000-square meter na lupain sa may Kalayaan Avenue na dating kinalalagyan ng lumang sementeryo.

Nauna nang nagpalabas ng panawagan ang lungsod para sa mga kaanak ng mga nakalibing pa sa sementeryo na makipag-ugnayan sa Makati Health Department para sa paglilipat ng mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.