‘Second wave’ ng COVID-19 sa Maynila, ibinabala ni Yorme Isko

Share this information:

Binalaan ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang kanyang mga constituents hinggil sa posibleng “second wave” ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) infections sa lungsod, kasunod na rin nang pagdami ng mga naitatalang kaso ng impeksiyon sa ibang panig ng mundo, partikular na ang Estados Unidos at Europa.

Ayon kay Moreno, dapat na patuloy na maging vigilante ang publiko sa lahat ng pagkakataon upang hindi mahawahan ng virus, sa kabila nang pahayag ng mga eksperto at mga analysts na bumababa na ang bilang ng mga indibidwal na nahahawahan ng virus sa Pilipinas.

Tinukoy pa ng alkalde ang ulat mula sa international news agencies na kinukumpirma ang second wave ng COVID-19 cases sa Estados Unidos at Europa.

“Hindi natin minamaliit ang sitwasyon sa Europa, ngunit ginagamit natin yun bilang tanda o paalala na nandiyan pa ang panganib,” ayon kay Moreno.

Salamat sa Diyos, ‘wag sana mangyari ‘yung tulad sa mga nabalita sa international news agencies on what is happening in Europe. Salamat at hindi nangyayari sa atin yun pero hindi puwedeng ikaila na puwede ulit dumami ang impeksyon kapag tayo naging iresponsable, pag tayo’y nag-relax, kaya dapat maging responsable tayong mga Batang Maynila,” aniya pa.

Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng inclusive approach ng lokal na pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 pandemic, kabilang na ang mass testing operations nito para sa mga residente at hindi residente ng Maynila.

“Kailangan natin alisin ang mga boundaries, kailangan alisin natin sa atin ang pagiging makasarili. The only way to defeat this pandemic is simply if we as Manileños and Filipinos work hand in hand in unison responsibly to go and fight this pandemic,” anang alkalde.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.