Sec. Bello, nangako ng hustisya para sa OFW na inabuso sa Saudi Arabia

NANGAKO si Department of Labor and Employment ((DOLE) Secretary Silvestre Bello III na bibigyan ng hustisya ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na ginahasa ng kanyang foreign recruiter at inabuso ng kanyang amo sa Saudi Arabia.

Ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ang  Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh ay inatasan na ng kalihim na pangunahan ang nararapat na legal na hakbang laban sa suspek at magpataw ng administrative  penalties sa local recruitment agency na nagpadala sa biktima sa ibang bansa.

Ang nasabing OFW ay ginahasa umano ng may-ari ng foreign recruitment agency (FDA) at minolestya ng isa sa kanyang employer bago siya na-repatriate kamakailan.

Inatasan na rin ni Bello ang POLO na habulin ang may-ari ng Home Comfort Recruitment Office/Home Comfort Manpower Services, Meshail Mabrook Al Bassani Al Qahtani at employer na si Abdulaziz Ahlas dahil sa panggagahasa at pang-aabuso sa kanya.

Pinapaparusahan din ng kalihim sa POEA ang lokal na kompanya na SAMA International Recruitment Agency na umano’y nagbalewala sa reklamo at sumbong nito sa Saudi Arabia.

Sa kanyang urgent memorandum kay Labor Attache Fidel Macauyag, inatasan ni Bello ang  POLO sa Riyadh na makipagtulungan sa mga awtoridad  sa naturang bansa  para sa agarang legal na aksyon sa kaso.

 “The rape committed against our OFW may not result to a criminal case being filed in Philippine courts against the owner of the FDA. This is due to lack of jurisdiction,” ayon kay Bello.  “The crime happened outside of the Philippines and the principle of extra territoriality can’t be applied on the case,” paliwanag ng kalihim

Ipinag-utos na rin kay Macauyag na suspindihin ang FDA accreditation  ng Home Comfort sa POLO.

Inatasan din niya si Macauyag na makipagtulungan sa mga awtoridad sa Saudi Arabia para sa pagsasampa ng mga kasong kriminal at pag-uusig kay Al Qahtani at Ahlas.

 Sa kabilang banda, inatasan ni Bello si POEA Administrator Bernard Olalia upang imbestigahan si Ahlas tungkol sa mga paglabag sa mga patakaran ng POEA at magpataw ng mga parusa para sa pang-aabusong sekswal na ginawa laban sa OFW.

 Sinabi rin nito kay Olalia na parusahan ang FDA at Qahtani. Gayundin, inatasan niya ang POEA na bumuo ng kasong administratiba laban sa SAMA at suspindehin ang ahensya upang maiwasan ang karagdagang paglabag at pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino.

Ang OFW ay agad na nagtungo sa Public Attorney’s Office (PAO) nang dumating sa bansa kung saan nabigyan ng legal assistance  para sa paghahanda ng  kanyang sinumpaang salaysay. Nagsagawa rin ang PAO ng forensic tests sa OFW na nagpapakita ng resulta na nagsasabing may sekswal na pang-aabuso  at pananakit.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.