NAGING mainit ang pagtanggap ng mga Marinduqueño sa pangunguna nina Speaker Lord Allan Velasco at Governor Presby Velasco kay Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III nang bumisita ang kalihim sa Maquinduque nitong araw ng Biyernes para sa pagpapasinaya ng mga proyektong pangkabuhayan at tulong panghanapbuhay sa mga apektado ng pandemya.
Pinangunahan ni Bello ang pamamahagi ng certificate of eligibility para sa mga benepisyaryo ng Native Pig Propagation Project; pagtatalaga sa mga bagong Healthy Economic Recovery Officers (HERO) ng bayan ng Torrijos sa ilalim ng programang Mission RACE (Rebooting Economies through Community Engagement); paggawad sa munisipyo ng Buenavista ng starter kits para sa Native Pig Dispersal Project; at pamamahagi ng personal protective equipment o PPE at iba pang kagamitan na donasyon ng International Labour Organization sa Marinduque.
Kasama ang iba pang opisyales ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), namahagi rin si Bello ng mga benepisyo sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at livelihood program ng OWWA na “Balik Pinas, Balik Hanapbuhay” para sa overseas Filipino workers na lubhang apektado ng pandaigdigang pandemya.
Lubos ang pasasalamat ni Speaker Velasco sa pagbuhos ng tulong mula sa DOLE para sa mga Marinduqueño, kasabay ng pag-asang unti-unting mabubuksan at mapapaunlad ang iba’t ibang mga industriya sa lalawigan lalo na sa sektor ng agrikultura.
Nagkaroon din mas malalim na talakayan sa pagitan ng mga opisyales ng DOLE at lokal na pamahalaan ng Marinduque hinggil sa posibleng solusyon sa mga suliraning may kaugnayan sa empleyo at pagtatrabaho ng mga Marinduqueño.
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon ay sina DOLE Undersecretary Renato Ebarle; OWWA Administrator Hand Leo Cacdac; DOLE Director Ma. Karina Perida Trayvilla; DOLE Regional Director Joffrey Suyao at Assistant Regional Director Erwin Aquino; at OWWA Regional Director Jose Capa.
Dumalo rin sina Boac Mayor Armi Dela Cruz Carrion; Buenavista Mayor Nancy Madrigal; dating Provincial Board Member Bong Raza na kumatawan kay Torrijos Mayor Lorna Velasco; at Marinduque Provincial Administrator Mike Velasco, DOLE Head Peter James Cortazar at Public Employment Service Office (PESO) Manager Alma Timtiman.

