MAGSASAGAWA ng fact-finding investigation ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa pagdalo nina presidential spokesperson Harry Roque at Senador Manny Pacquiao sa mga pagtitipon na dinagsa ng mga tao.
Tiniyak ni Interior Secretary Eduardo Año, na pananagutin ang sino na maaaring matukoy na lumabag sa pinaiiral na minimum health protocols ng gobyerno sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.
“We will make sure na magkaroon ng fact-finding diyan at kung merong dapat managot ay titignan namin,” ayon kay Año.
Nuong Biyernes ay nagbigay ng talumpati si Roque sa harap ng mga dumalo sa seremonya ng pagbubukas ng Bantayan Island Airport sa Cebu.
Naging viral naman ang screenshot ng Instagram stories ni Jinkee, ang maybahay ni Pacquiao, na makikitang nagtatalumpati ang senador sa mga nasalanta ng kalamidad sa Batangas na hindi umano nasusunod sa social distancing.
Kasabay nito, iginiit ni Año sa mga opisyal ng gobyerno na huwag nang magsagawa o dumalo sa ano mang mass gathering kung hindi masusunod ang physical distancing.
“Nananawagan tayo sa lahat, including government officials, kung meron kayong activities at hindi niyo kayang ipatupad ‘yung health standards particularly [social] distancing, stop it, huwag niyo nang ituloy ‘yan. You cannot just say sorry. Mahirap ‘yun,” ayon sa kalihim.
Imbestigasyon, welcome kina Roque at Pacquiao
Bukas sina Roque sa pag-iimbestiga ng DILG sa sinasabing posibleng paglabag sa quarantine protocols ng gobyerno.
Pero naninindigan si Roque na inimbitahan lang siya sa pagtitipon upang magtalumpati at hindi siya ang nag-organisa kaya’t wala siyang kontrol sa mga bisita.
Welcome rin kay Pacquiao ang pagsisiyasat at kumpiyansang naipa-siguro nilang nasusundo ang social distancing at health safety protocols.