Rep. Prospero Pichay, hinatulang makulong sa isyu ng chess tournament

Share this information:

NAPATUNAYAN ng Sandiganbayan Fifth Division na guilty sa kasong katiwalian dahil sa paggamit ng pondo ng gobyerno para sa isang chess tournament si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay Jr. at dalawang iba pa.

Hinatulan ng anti-graft court ng pagkakabilanggo ng anim na taon at isang buwan hanggang walong taon si Pichay gayundin ang kapwa nito mga akusado na sina Emmanuel Malicdem at Wilfredo Feleo dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Diniskuwalipika rin na humawak ng ano mang posisyon sa gobyerno ang mga akusado.

Maliban dito, iniutos ng Sandiganbayan sa tatlo na ibalik sa Local Water Utilities Administration (LWUA) ang P1.5 milyon o ang sinasabing ilegal na sponsorship grant, bukod pa sa interest na 6% kada taon mula nang maisapinal ang desisyon hanggang sa buong mabayaran ito.

Pinamumulta rin ng Korte si Pichay ng P5,000 dahil sa paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.

Nag-ugat ang kaso nang igawad ng LWUA nuong 2010 ang P1.5 milyon sa National Chess Federation of the Philippines (NCFP), isang pribadong organisasyon.

Si Pichay ang nakaupo nuon na acting chairman ng Board of Trustees (BOT), si Malicdem ang Senior Deputy Administrator at Acting Administrator habang si Feleo ang nakaupo nuong Acting Deputy Administrator for Investment and Financial Services ng LWUA.

Habang nagsisilbi sa LWUA, si Pichay din ang Presidente ng NCFP nang mangyari ang sinasabing krimen.

Depensa naman ni Pichay, aprubado ng LWUA-BOT ang sponsorship fund at itinanggi nitong nakilahok o nakialam siya sa pag-apruba ng sponsorship request ng NCFP.

Gayunman, higit na binigyang bigat ng Korte ang mga ebidensyang inilatag ng prosekusyon.

“As a final note, the Court is aware that no less than the Constitution recognizes the importance of sports in our society. This recognition however, does not give public officials unbridled discretion to spend public money as they see it fit—no matter how laudable the purpose is—and more so, for personal advantage,” bahagi ng 31-pahinang desisyon.

Sa kabila nito, itinanggi ni Pichay na nakinabang siya sa programa.

“My conscience is clear. I did not benefit any amount from that program. I even shelled out P1 million from my pocket. That Pichay Cup ran for 15 years and it benefitted no one else but chess sporting industry,” diin ni Pichay.

Nakatakdang maghain ng motion for reconsideration ang kongresista.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.