WALA umanong balak na mag-sorry si Armed Forces Southern Luzon Command (Solcom) chief Lieutenant General Antonio Parlade Jr. sa aktres na si Liza Soberano nang balaan ito sa pakikipag-ugnayan sa Gabriela Women’s Party.
Diin ni Parlade, walang dahilan upang humingi siya ng paumanhin sa aktres dahil hindi nya pinaratangang rebelde si Soberano at kung tutuusin ay nagpasalamat pa aniya ang pamilya nito sa kanya.
“What should I apologize? Again, why should I apologize? The family thanked me, Atty. Lim called me up to say that they are sending the thank you letter and he told me that the family is thankful… why should I apologize?” diin ni Parlade.
“Again, I did not red-tag Liza Soberano. Those people saying that I red tag got their comments somewhere, maybe they didn’t even read my entire statement,” pag-uulit nito.
Giit ng heneral, hindi niya kahit kelan tinukoy si Soberano na myembro ng komunistang grupo kaya’t walang red tagging na matatawag.
Sinabi rin ni Parlade na hindi pagbabanta sa dalaga ang naging pahayag nito patungkol sa adbokasiya ng aktres para sa karapatan ng kababaihan.
“I’m not threatening these women because I also have daughters, I have sisters. So ang dami kong mga kaibigan na mga babae and I support that advocacy to defend women’s rights,” ayon pa kay Parlade.
Gayunman, naninindigan si Parlade na nagagamit si Soberano ng Gabriela na itinuturong front ng komunistang grupo.
“Obviously, she’s the one being exploited by Gabriela… definitely and we should know that. If you read our history, ang dami nating personalities, celebrities in the past, eventually they became rebels, NPAs and this is where they started,” punto ng heneral.
Binigyang-diin pa ni Parlade na trabaho ng gobyerno, partikular na ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na ipabatid sa taumbayan ang mga modus operandi ng Communist Party of the Philippines.