Pumatay sa helper sa Malabon, arestado

NALAGLAG na sa lambat ng mga awtoridad ang pangunahing suspek sa pagpatay sa kanyang kapitbahay na helper sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek na si Eric Montillano, 28 anyos, tube ice delivery boy ng Blk 50 Lot 13 Phase 3 Area 2, Maya-Maya St., Brgy. Longos.

Ayon kay Col. Barot, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 (SS5) hinggil sa pinagtataguan ng suspek sa No. 946 Ilaya St., Tondo, Maynila.

Kaagad nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng SS5 sa pangunguna ni PLt. Joseph Alcazar sa Manila Police District, – District Intelligence Division saka nagsagawa ang mga ito ng joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-3 ng hapon.

Nabatid na dakong alas-3:30 ng madaling araw noong September 27, 2021 nang sundan ni Montillano ang biktimang si Ramil Sola, 38 anyos, sa Maya-maya Street at sinaksak sa leeg ng matulis na bagay na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.

Nauna rito, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa nang magising ang suspek habang natutulog sa kabilang pinto sa ingay ng biktima makaraang sapilitan niyang buksan ang pinto ng kanyang bahay.

Positibong kinilala ng saksing si Maricel Escoto, 39 anyos, ang suspek na responsable sa pananaksak sa biktima at ayon pa sa kanya, may matagal na umanong alitan ang dalawa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.