Breaking News

Share this information:

PATAY ang isang bagitong pulis makaraang mabaril ang kanyang sarili sa Barangay Commonwealth sa Quezon City Linggo ng madaling araw (May 30, 2021).

Sa report na nakarating sa tanggapan ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. General Antonio Yarra, nakilala ang biktima na si Police Corporal Higinio Wayan, 31 anyos, nakatalaga sa Kamuning Police Station 10.

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa 2nd street, Bitoon circle pasado alas 3 ng madaling araw.

Una rito, kasama ni Corporal Wayan ang dalawa pang pulis na kanyang kaibigan na sina Corporal Sherwin Rebot at Corporal Harold Mendoza at isa pang sibilyan na si Lorenzo Lappay habang nag-iinuman ang mga ito sa isang bahay sa nasabing lugar.

Kuwento ni Lappay kay Police Staff Sgt. Rolando Laddaran, imbestigador ng QCPD Station 6, nagtungo sa comfort room si Rebot at iniwanan nito sa ibabaw ng mesa ang Glock caliber 40 na service firearm nito.

Ilang sandali pa ng kinuha ni Wayan ang baril na itinutok nito sa kanyang dibdib at ipinutok.

Pero napag-alaman pa na bago ang insidente ay nag-usap usap at nagkasundo ang mga pulis na mag-unload ng kanilang magazine sa kanilang mga baril dahil mag-iinuman sila.

Maaari umanong inakala ng biktima na walang bala ang baril ni Rebot kaya ito dinampot at ipinutok sa dibdib ni Wayan na agad nasawi sa pinangyarihan.

Palaisipan pa rin sa mga imbestigador kung bakit baril ni Rebot ang napagdiskitahan ni Wayan para paglaruan samantalang nakasukbit pa sa bewang ang kanyang service firearm na isang .9mm beretta. Pansamantalang ikinostudiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang dalawang pulis at si Lappay na itinuturing na “persons of interest” habang sinisiyasat pa ang mga pangyayari.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: