NAGPAHAYAG ng matinding pag-aalala ang mga biktima ng matinding pagbaha sa Davao Region matapos tumaas ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa lugar, ayon sa Department of Health-Davao (DOH-11).
Sinabi ng DOH-11 na ang kaso ng leptospirosis sa rehiyon ay mas mataas noong Enero 2024 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Mula Enero 1 hanggang 27, ang DOH-11 ay nakapagtala ng 34 mga kaso ng leptospirosis na may dalawang pagkamatay, o 48 porsyentong mas mataas kumpara sa 23 kaso na naitala noong 2023.
Pinakamaraming nakapagtala ng mga kaso ang Davao de Oro na sinundan ng Davao del Norte. Ang nabanggit na mga probinsiya ang matinding tinamaan ng pagbaha at pagguho ng lupa kamakailan.
Binalaan naman ng mga eksperto sa kalusugan ang publiko laban sa pagtampisaw sa mga tubig baha lalo na kapag may sugat. Ayon kay DOH Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) Head, Dr. Rachel Pasion, kung kinakailangan ay magsuot ng protective gear gaya ng boots, gloves at suits.
Hinimok din ng DOH-11 ang mga lubog sa baha na kumuha ng gamot para sa anti-leptospirosis sa kanilang mga health center.

