PSA, target na iparehistro ang mahigit 700k Bataeños 

TINATARGET ng Philippine Statistics Authority (PSA) na makapag-rehistro ng humigit-kumulang 774,485 Bataeños na may edad 5 pataas sa Philippine Identification System (PhilSys).

Nitong Hunyo 30, may kabuuang 575,333 o 74.29 porsiyento ng target na populasyon na ang nakarehistro.

Nahihirapan ang PSA sa pagkamit ng ating target para sa taon dahil sa tatlong dahilan; isa ay ang late distribution ng physical IDs ng mga nakaregister sa amin. Dahil dito, hindi interesado ang publiko na magparehistro dahil sa pagkaantala ng pamamahagi at kalidad ng mga pisikal na PhilSys IDs,” ibinahagi ni PSA Bataan Registration Officer Maria Rosario Dela Rosa.

Ang iba pang dahilan ay ang kakulangan ng mga sumusuportang dokumento tulad ng birth certificate partikular ang mga kabilang sa mga pamilyang mababa ang kita, at conflict sa schedule ng mobile registration sa malalayong lugar.

Alinsunod dito, naglunsad ang PSA Bataan ng Birth Registration Assistance Project upang matulungan ang mga indibidwal na nahihirapang magpakita ng mga kinakailangang dokumento upang patunayan ang kanilang pagkakakilanlan upang maproseso ang kanilang pagpaparehistro sa PhilSys.

Sa kabila ng mga hamon na ito, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang PSA sa ating mga lokal na punong ehekutibo sa iba’t ibang bayan at lungsod upang tulungan kaming hikayatin ang mas maraming Bataeño na magparehistro at kumuha ng kanilang mga PhilSys ID,” dagdag pa ni Dela Rosa.

Target din nila ang mga komunidad ng Indigenous Peoples (IPs) at Persons Deprived of Liberty (PDLs).

Noong Mayo 2022, nakapagrehistro ang PSA Bataan ng kabuuang 212 PDLs sa mga bayan ng Orani at Dinalupihan.

Kaugnay nito, nasa 212,387 PhilSys ID na ang nai-deliver sa lalawigan, na binigyang prayoridad ang mga low-income na pamilya na nagparehistro noong taong 2020 at 2021.

Habang naghihintay ang marami sa kanilang pisikal na ID, nakatakdang ilunsad ng ahensya ang PhilSys mobile app kung saan magagamit ang alternatibo at digital na bersyon ng ID para sa mga susunod na transaksyon.

Ang Republic Act No. 11055, o mas kilala bilang Philippine Identification System Act, ay naglalayong magtatag ng isang pambansang sistema ng pagkakakilanlan para sa lahat ng mamamayan at residenteng dayuhan ng Republika ng Pilipinas.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.