SINABI ni Manila Vice Mayor John Marvin Nieto, na kilala bilang “Yul Servo” noong panahong naga-artista pa ito, na susuportahan niya ang mga proyekto at mga pangunahing programa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan, lalo na sa pagpapalago ng ekonomiya, pagpapaunlad ng buhay, kalusugan, kalinisan, kaayusan at katahimikan.
Ginawa ng bise alkalde ang pahayag sa pagbubukas ng sesyon ng ika-12 Sangguniang Panlungsod ng Maynila.
Hiniling din ng bise alkalde sa 38 konsehal ng lungsod na makiisa sa pagsuporta sa layunin ng kanilang alkalde upang mas maisakatuparan ang mga programa at proyekto ng lungsod, at upang maipagpatuloy na din ang mga nasimulan ni dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
“Atin ding suportahan ang mga programang isusulong ng ating Mahal na Mayor Honey Lacuna. Mga programang pang-ekonomiya, pang-kalusugan, pang-kabuhayan, pang-kalinisan at pang-katahimikan. Dalhin natin ang ating mahal na lungsod sa liwanag ng kasaganahan at dalhin natin ang bawat Manilenyo sa maayos na daan ng kaginhawahan at kapanatagan,” pahayag ng bise alkalde.
Kasabay nito, hinimok din ni Nieto ang mga kasama sa konseho na maghain ng panibagong “COC” – pero hindi ito ang “Certificate of Candidacy” kundi ang “Compassion, Obligation at Commitment.”
Aniya, gamitin ang “COC” bilang pamantayan ng kanilang paglilingkod sa mamamayan ng Maynila, pangaraping magkaroon ng maayos na buhay ang bawat Manileño at maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng kanilang isusulong na ordinansa.
“Kaya to all councilors, you are obligated to submit your priority ordinance that will be more beneficial to every Manileño,” sabi pa ng bise alkalde.
Isa rin pangako ng bise alkalde na ipagpapatuloy ang kanyang adhikain na makapag-aral ang bawat batang Maynila at maipagpatuloy ang pagkakaloob ng buwanang allowance na P1,000 sa bawat estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM), pati na ang P500 allowance sa mga estudyante ng K-12 sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.