PNP iresponsable sa Dacera case – VP Robredo

Share this information:

IRESPONSABLE umano ang ginawa ng Philippine National Police (PNP) sa pagdedeklarang ‘case closed’ na ang kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Angelica Dacera, gayung marami pang katanungan ang kailangang sagutin at mga walang basehang akusasyon na bumabalot dito.

Sa kanyang lingguhang programa sa radyo nitong Linggo, sinabi ni Vice President Leni Robredo, nakikisimpatiya siya kay Gng. Sharon Dacera at sa pamilya nito dahil sa pagkamatay ni Christine, dahil maging siya man ay may mga anak na babae rin.

Ayon kay Robredo, wala nang sasakit pa sa mawalan ng anak, lalo na kung wala pang closure ang pagkamatay nito, dahil hindi mo batid kung ano ang nangyari at paano ito naganap.

Matatandaang si Christine ay natagpuang walang malay sa bath tub ng inupahan nilang silid sa City Garden Hotel sa Makati City noong Enero 1 mismo.

Ayon sa Makati City Police, rape-slay ang nangyari dahil sa nakitang laserasyon at mga pasa at sugat sa tuhod ni Dacera at idineklarang sarado na ang kaso dahil natukoy na anila ang mga taong may kagagawan nito.

Gayunman, lumitaw sa pagsusuri ng medico-legal na aortic aneurysm o natural causes ang ikinamatay ni Christine at ang mga lalaking sinasabing nanggahasa sa kanya ay kanyang mga kaibigan na pawang miyembro ng LGBT community.

Lumilitaw rin sa autopsy report na mayroong matagal na ang mga laserasyon, na nakita sa bangkay.

Sinabi naman ni Robredo na hindi dapat na madaliin ng mga awtoridad ang assessment nila sa kaso dahil malabo pa at inconclusive ang mga ebidensiya dito.

Dagdag pa niya, dapat na maging responsable ang mga pulis sa paghawak ng ganitong mga uri ng krimen at sundin ang tamang protocols.

Dapat rin aniyang magsilbing paalala ito sa mga taong humahawak sa mga crime scene na mag-doble ingat sila.

Sinabi ni Robredo na isang kawalan ng hustisya sa pamilya Dacera na hindi malaman ang tunay na nangyari kay Christine ngunit hindi rin naman aniya patas sa mga akusado na makaladkad ang kanilang pangalan, gayung mayroong kakulangan sa maayos na imbestigasyon sa nangyari at wala ring sapat na ebidensiya upang idiin sila sa kaso.

Matatandaang sinampahan rin ng pamilya Dacera ng kaso ang medico-legal officer na humawak sa kaso matapos na embalsamuhin kaagad ang bangkay ni Christine nang walang pahintulot ng pamilya nito, bago magsagawa ng medico-legal examination dahil nakaapekto anila ito sa resulta ng awtopsiya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.