DAPAT umanong managot sa pagiging pasaway ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas dahil sa paglabag nito sa minimum health protocol nang magtungo ito sa Calapan, Oriental Mindoro.
Ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III kaugnay sa ginawang pagbabalewala ni Sinas sa health protocols ng provincial government na nagpapatupad lamang sa itinatadhana ng IATF at gobyerno laban sa COVID-19.
Diin ni Sotto, tungkulin umano ng lahat na sumunod sa health protocol.
Mas lalo pa aniyang dapat na sumunod dito ang gaya nilang mga opisyal ng gobyerno.
Sila nga raw umano nang magtungo kamakailan sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City sa imbitasyon ni Mayor Benjamin Magalong ay dumaan sa masusing pagbusisi sa screening, nagpasuri ng kalusugan at lumagda ng mga papeles.
Ayon kay Sotto, ang pangulo o kaya ay kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang maaaring magpa-imbestiga at magpataw ng parusa kay Sinas.
Si Sinas ay positibo na sa COVID-19 habang siya ay dumalaw sa Police Regional Office sa Oriental Mindoro nitong nakalipas na araw ng Biyernes, Marso 12, 2021 at hindi na nito nahintay ang resulta ng kanyang pagsusuri.
Sa social media platform na Facebook na lamang idinaan ng pamahalaang panlalawigan idinaan ang pahayag sa hindi pagsasailalim ng heneral sa screening kung saan sinabing bumaba ito sa Calapan sa pamamagitan ng helicopter at mula roon ay dumiretso sa regional headquarters roon. Nasa Mindoro na si Sinas nang matanggap nito na siya ay nagpositibo sa virus.

