‘Demotion’ sa mga nurses, dapat silipin ni PDU30 – Defensor

NANAWAGAN si Anakalusugan PartyList Representative Mike Defensor kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipaimbestiga nito ang ginawang ‘demotion’ ng Department of Budget and Management (DBM) sa libo-libong mga nurses na naglilingkod sa mga ospital at pasilidad ng gobyerno.

Partikular na tinukoy ni Defensor ay ang DBM Budget circular na naglalayong ipatupad ang batas para sa nararapat na sahod ng mga nurse batay sa kautusan ng korte suprema.

Itinatadhana sa Philippine Nursing Act ang salary grade (SG) 15 o P33,000 ang entry level pay dapat ng mga pampublikong nurse.

Subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa ito naipatutupad dahil sa nakasaad na “reclassification” sa DBM circular na nagsasabing hindi gagalawin ang suweldo ng ibang nurse pero tatamaan ang kanilang posisyon.

Naniniwala ang mambabatas na ang intervention ng Presidente ang pinakamabilis na solusyon sa pagtatama sa aniya’y hindi makatarungang ginawa sa government nurses.

Bagama’t pwede aniyang idaan sa lehislasyon o sa korte ang bagay na ito, nangangamba ang kongresista na posibleng matagalan pa bago mabaligtad ang demotion sa mga nurse.

Para kay Defensor, nakakalungkot dahil nangyari ang demotion ngayong kritikal ang panahon dahil sa tumataas na mga kaso ng COVID-19. Giit pa ni Defensor, ang mga nurse ay patuloy na nagta-trabaho sa harap ng banta sa sarili nilang buhay at hirap dahil sa pandemya, kaya nararapat lamang na bigyang-pansin ang kanilang sakripisyo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.