INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na kakayanin nito ang sabay na pagsasagawa ng 2025 midterm elections at ang plebisito para sa mga panukalang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ito ang tinuran ni Comelec Chairman George Garcia matapos sabihin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng Charter Change plebiscite kasabay ng midterm elections.
“Kaya po namin na isabay ang plebisito sa May 2025 elections. Wala po dagdag na gastos except that ihihingi po namin ng dagdag na allowance ang mga guro,” pahayag ni Garcia sa media sa pamamagitan ng Viber.
Sinabi ni Garcia na nag-design na rin ang Comelec ng sample ng balota na merong plebiscite question. Kaya rin aniya ng mga makina kung may yes o no question sa balota.
Nauna nang sinabi ni Garcia na ang Comelec ay maaari lamang magsagawa ng isang Charter Change plebiscite sa unang bahagi ng 2026.
Binanggit ng Comelec ang Korte Suprema sa Occena vs Comelec case na nagbabawal sa sabay-sabay na pagsasagawa ng halalan at isang charter change plebiscite.
Gayunman, ipinunto ni Garcia na ang nasabing desisyon ay ginawa bago pa man ang 1987 Constitution at isa pa ring legal issue.
Sinabi rin ni Garcia na basta nakasaad sa resolusyon ng Senado at ng Mababang Kapulungan, ang pagsasagawa ng Comelec ng halalan at plebisito nang sabay ay magiging legal.
“Basta po nakalagay sa Resolution of both Houses kung sakali,” sabi ni Garcia.
Higit pa rito, sinabi ni Garcia na ang resolusyon ay dapat ding magpahiwatig ng mga probisyon na aamyendahan sa Konstitusyon.
Samantala, sinabi naman ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang simultaneous midterm elections at Cha-cha plebiscite ay hindi makakaapekto sa kanilang bagong award na kontrata para sa vote counting machines para sa 2025 midterm elections sa joint venture ng South Korean firm Miru Systems.

