HINDI nakapalag nang hulihin ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isa na namang dayuhan na wanted ng mga awtoridad sa China dahil sa pagkaka-sangkot nito sa iba’t-ibang kaso na kung tawagin ay “economic crimes.”
Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco ng BI Border Control and Intelligence Unit (BCIU), kinilala ang pasahero bilang si Liu Jiangtao, 42 anyos, isang Chinese national na naging Vanuatu citizen, na nahuli sa NAIA Terminal 3 bago pa man ito makasakay ng eroplano patungong Singapore.
Ayon sa BCIU, nagpakita si Liu ng kanyang departure clearance sa immigration counter subalit nakita ng isang BI officer na ang kanyang pangalan ay nasa BI list of aliens na may outstanding watchlist orders.
“Further verification made by the immigration supervisors on duty confirmed that the passenger and the person who is subject of the watchlist are one and the same, thus we arrested him and brought him to our detention facility in Taguig City,” ayon kay BCIU overall deputy chief Joseph Cueto.
Si Liu ay kabilang sa 11 na Chinese national na kung saan humingi ng tulong ang Chinese government para arestuhin ang mga ito at ipa-deport pabalik sa kanilang bansa dahil sa pagtatago nila sa batas.
Ang 11 na Chinese national ay napabalitang sangkot sa mga mga kaso tulad ng “fraud, infringement of credit card management, capital embezzlement, money laundering,” at “counterfeiting a registered trademark.”
Kabilang din sila sa inisyuhan ng mga prosecutor ng BI ng deportation dahil sa pagiging “undesirable aliens” nila.
“We will expedite the proceedings against him so that he can be deported to face and answer the charges against him,” ayon kay Tansingco.

