PITO ang nasawi habang 24 naman ang sugatan matapos masunog ang isang pamapasaherong bangka sa karagatan ng Real, Quezon kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), dakong alas-singko ng umaga ng umalis sa Polilio Island ang MV Mercraft 2 na may sakay na 126 pasahero at walong tripulante.
Dakong alas-sais ng umaga ng magdeklarang abandon ship ang kapitan ng barko dahil sa sunog.
Sa pitong katao na nasawi, 5 ang babae at dalawa ang lalaki.
Kinumpirma ni PCG Spokesman Armand Balilo na hindi overloaded ang bangka at inaalam pa ang sanhi ng sunog.
Sa kabuuan, 103 ang nakaligtas, 24 ang sugatan at pito ang nasawi, pagkumpirma ni Minnie Portales, tagapagsalita ng lokal na pamahalaan ng Real, Quezon.
Ang MV Mercraft 2 ay isang fast craft na nasunog sa may baybayin ng Real Quezon kaninang umaga.
Sa bilang ng sugatan, kasama rito ang boat captain na John Lerry Escareces na ginagamot na sa Claro M. Recto Hospital at tatlo ang iniulat na kritikal.
Nangyari ang sunog sa MV Mercraft 2 habang naglalayag sa Baluti Island mula sa Polilio Island patungong Real, Quezon.
Lahat ng sakay ng barko ay “all accounted for” kaya naman tinapos na rin ang search and rescue operation.
(May kasamang ulat ni Joyce Fernan)