Pinalaman sa “Pandecoco”: Kelot arestado sa shabu

ARESTADO ang isang lalaki na dadalaw lamang sa kanyang dating kapwa mga preso matapos makuhanan ng shabu na ipinalaman sa tinapay sa Caloocan City.

Tinukoy ni Caloocan City Police Office (CCPO) Chief Police Col. Samuel Mina Jr, ang suspek na si Francisco Paquiado, 23 ng 1346 DM Cmpd. Heros Del 96, Brgy, 73 na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.

Sa imbestigasyon ni Police Cpl. Rafael Tuballes, habang naka-duty ang dalawang pulis sa West Grace Park Police Sub-Station (SS3) dakong alas-9:20 ng gabi ng Martes dumating ang suspek para bumisita at magdala ng pagkain sa kanyang dating kapwa mga inmates.

Bilang parte ng standard operation procedure at existing policies, kinapkapan ng pulis ang suspek saka sinuri ang dala nitong pagkain at napansin ng pulis ang isa sa mga tinapay na pande coco ay kahina-hinala dahil sa maliit na butas.

Nang tingnan sa harap ng suspek at iba pang naka-duty na mga pulis, nakuha sa loob ng tinapay ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P816 ang halaga na naging dahilan upang arestuhin si Paquiado.

Ayon kay Mina, dating nakulong ang suspek sa SS3 mula June 20, 2021 hanggang September 2, 2021 dahil sa paglabag sa PD 1602 o illegal gambling.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.