MULING umapela ang Philippine Red Cross (PRC) ng tulong-donasyon mula sa international community habang patuloy na tumutugon ang humanitarian organization sa mga sinalanta ng bagyong Odette.
Bahagi ng apela ng PRC ay ang mabigyan ng bahay ang mga pamilya na nawalan ng tirahan matapos itong wasakin ng mapaminsalang bagyo.
Binigyan-diin ng PRC na simula taong 2005, sa tulong ng international community, ang PRC ay nakapagbigay na ng tahanan sa mahigit 151,000 pamilya bilang bahagi ng recovery process ng mga pamilyang naapektuhan ng mga bagyo.
Ayon kay PRC Chairman/CEO Sen. Richard Gordon, hindi lamang pagbibigay ng tulong at pagpapatayo ng bahay sa mga sinalanta ng mga nagdaang bagyo ang ibinibigay ng PRC kundi pag-asa para sa mga tinatawag na “most vulnerable” na sektor.
“Noon pa tayo tumutulong upang mabigyan ng bahay ang mga apektado ng mga nagdaang bagyo. We don’t just build houses. We provide hope to the most vulnerable na kahit anong mangyari, hindi ko kayo pababayaan. This cannot be a forgotten disaster. A lot of our fellow Filipinos are still struggling from the onslaught of Typhoon Odette. Red Cross will continue aiding the most vulnerable until they get back on their feet,” pahayag ni Gordon.

