Ipatigil ang “No Work, No Pay” policy, hiling ng mga guro sa DOLE

HINIMOK ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Private Schools ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpakita ng “compassion” o pagdamay sa mga guro sa pamamagitan ng isang kautusan upang maipatigil ang pagpapatupad ng “No Work, No Pay ” policy sa panahon ng idineklarang academic health breaks.

Ito ay matapos magpahayag ng suspensyon ng klase ang ilang lokalidad at educational institution dahil na din sa mga dumadaming kaso ng COVID-19 bunsod ng mas nakakahawang Omicron variant.

Ayon sa  ACT, makakatulong sa mahihinang grupo ng mga probationary teachers at contractual employees — kapwa sa mga pampubliko at pribadong paaralan–ang pagsuspinde sa nasabing patakaran.

Pahayag ni ACT Private Schools Secretary-General Dr. Jonathan Geronimo na tumugon ang mga local government units (LGUs) at mga school administrator sa mga panawagan na suspendihin ang mga klase at pagaanin ang trabaho dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Sinabi nito na bagaman ito ay welcome development, makabubuti pa din na mabigyan ng kasiguruhan ang mga empleyado na patuloy silang mabibigyan ng kompensasyon kahit na sa nasabing academic break.

Idinagdag pa nito na karamihan sa mga guro ay nagdurusa sa pagbawas ng kanilang trabaho at paycheck system na labis na nakadepende sa kanilang naibigay na oras ng pag-uulat.

Maging ang home quarantine at self-isolation ay nagdudulot din ng karagdagang pasakit sa kanilang gastusin. 

Diin pa nito na makakaranas din ng malaking kabawasan ng kanilang sweldo ang mga guro at empleyado sakaling sila ay magkaroon ng mild to severe symptoms dahil sa Omicron variant kahit wala ang nasabing polisiya.

The health break—a result of the growing number of sick teachers, staff, and students—should allow us to surmount the health crisis that has now seeped into our own homes,” ayon kay Geronimo

We need continuous income to afford health care that otherwise will not be provided by this government,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ni Geronimo na naglalantad at nagbibigay-diin sa pangangailangan ng pamahalaan ang kasalukuyang sitwasyon na palakasin pa ang pagtugon nito sa pandemya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mass testing, libreng paggamot, pagpapabuti ng access sa mga bakuna, at pagbibigay ng sapat na tulong.

Iginiit ng grupo na makatarungan at patas ang kahilingan nito — hindi lamang sa mga tauhan kundi maging sa kanilang mga employers.

Ayon kay Geronimo, “tama at angkop lamang” na palawigin ang parehong kahilingan para sa mga apektadong kontraktwal na empleyado at part-time na miyembro ng faculty sa mga unibersidad at kolehiyo ng estado na magpapatupad ng mga katulad na pahinga sa kalusugan gaya ng  “No Work, No Pay” scheme na inilapat hindi lamang sa mga pribadong paaralan.

Dahil dito, hinikayat din ng grupo ang publiko na himukin ang DOLE hindi lamang para bigyang pansin ang isyung ito kundi gumawa din ng mga aksyon dahil makakatulong ito sa pag-iwas sa krisis pang-ekonomiya na nararanasan ng maraming tauhan ng edukasyon partikular sa pribadong sektor.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.