Mga maiingay na tambutso sa Hermosa, winasak ng alkalde

NAGPADALA ng mensahe ang lokal na pamahalaan ng Hermosa, lalawigan ng Bataan, sa mga residente ng nasabing bayan tungkol sa mga “mufflers” o tambutso na lumilikha ng ingay sa mga kalsada sa bayan.

Kamakailan ay umabot sa 90 pirasong tambutso ng mga motorsiklo na nakumpiska ng pulisya ang winasak ng pamahalaang bayan na ginanap sa liwasan ng Hermosa.

Gamit ang maso, ang mga tambutso ay winasak upang ipabatid sa taong bayan na sa bayan ng Hermosa ay bawal na bawal ang maiingay na mufflers.

Ang pagwasak sa mga tambutso ay pinangunahan ni Hermosa Mayor Jopet Inton kasama ang mga miyembro ng Philippine National Police na nakatalaga sa bayan at ang Hermosa Marshalls.

Ayon kay Mayor Inton, mahigpit na ipinagbabawal ang maiingay na tambutso ng motorsiklo alinsunod sa Section J, Chapter 4 ng Republic Act 4136 (An Act to Compile the Laws Relative to Land Transportation and Traffic Rules) at ito’y hindi nila palalampasin sa Hermosa.

Hinikayat din ng alkalde ang kanyang mga kababayan na i-report agad kapag may mga nasaksihang ganitong paglabag sa kani-kanilang barangay.

May karampatang parusa ang sino mang lalabag. I-report kaagad sa numerong ito 09487676327 ang sino mang lalabag dito,” sabi pa ni Mayor Inton.

Samantala, sa Facebook post tungkol dito ni Mayor Inton ay may mga netizens ang nagpahayag ng pasasalamat at marami ang natuwa sa ginawang aksiyon ng kanilang mayor sapagka’t sabi nila ay sadya umanong nakakabulahaw ang matinding ingay na dulot ng mga tambutso lalo na sa gabi.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.