DINAMPOT ng mga awtoridad ang dalawang lalaki sa Cebu City makaraang mahulihan ng pekeng pera na gagamitin umano sa pagbili ng boto sa halalan sa Mayo 9, 2022.
Ayon sa kalatas ng Philippines National Police (PNP), umaabot sa P100,000 ang pekeng peso bills na nakumpiska mula sa mga suspek na sina Ivan Noval Luardo at Joseph Mercado Salas na inaresto sa magkahiwalay na operasyon.
Una nang ikinasa ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga operasyon laban sa pag-iingat ng counterfeit na pera.
Sa unang operasyon laban kay Salas, aabot sa P24,000 ang pekeng pera ang nasamsam mula sa kanya habang umabot ng P88,000 ang nakumpiska mula naman kay Luardo.
Kinasuhan na ng illegal possession and use of false treasury o banknotes and other instruments na may kinalaman sa Article 166 ng Revised Penal Code laban kina Salas at Luardo.
Muli namang nagbabala si PNP chief Police General Guillermo Elazar sa publiko hinggil sa pagkalat ng mga pekeng peso bill at ang pagtanggap nito para ibenta ang kanilang boto sa eleksyon.
“Pinapaalalahan din natin ang ating mga kababayan na mag-isip-isip sa pagtanggap ng pera mula sa mga kandidatong bibili ng inyong mga boto dahil baka mabudol lang kayo,” diin ni Eleazar.
Inatasan na rin ni Eleazar ang CIDG na laliman pa ang imbestigasyon sa operasyon ng mga suspek upang matukoy kung may nagpopondo rito at iba pang mga maaaring kasapakat. “I also instructed the CIDG and other unit commanders to step up intelligence-gathering and operations, in coordination with the Bangko Sentral ng Pilipinas, to ensure that those who benefit from these modus will not be given the opportunity to victimize our kababayan,” dagdag pa ng heneral.