NAKAALERTO ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng pag-alburoto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay PCG spokesperson CG Rear Admiral Armand Balilo, ipinag-utos na ni PCG chief, CG Admiral Ronnie Gil Gavan sa lahat ng PCG response units sa Negros Island na tulungan ang local government units at iba pang concerned agencies para sa paglikas ng mga residente na maapektuhan kung sakaling tumindi pa ang pagsabog ng bulkan.
Ayon pa kay Balilo, nakahanda na rin ang deployable response groups (DRGs) at rescue assets ng Coast Guard District Western Visayas para sa agarang dispatch kung titindi pa ang pangangailangan.
Inatasan na rin ang mga Quick Response Team (QRT) mula sa ibang Coast Guard Districts sa Visayas at Mindanao na paganahin at tumulong sa nagpapatuloy na operasyon.
“Our vessels and aerial assets at the National Headquarters here in Manila are now on standby for possible augmentation,” ani Balilo.
“We are in constant communication with our regional counterpart in Negros Island to make sure that the PCG can provide immediate assistance to the affected residential communities,” ibinahagi pa ni Balilo.
Ayon pa kay Balilo, naghahanda na rin ang kanilang katuwang na mga PCG Auxilliary ng kanilang resources at manpower para sa pagsasagawa ng humanitarian missions.