SA botong 241 na mga kongresistang pabor at pitong tumutol, pinagtibay na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na layong likhain ang Department of Disaster Resilience (DDR).
Sa ilalim ng House Bill 5989, ang DDR ang magiging pangunahing ahensya ng gobyerno na mangangasiwa sa lahat ng pagsisikap ng gobyerno na mabawasan ang risk o panganib, mapaghandaan at maagap na rumisponde sa ano mang kalamidad, rehablitasyon at pagbangon ng mga naapektuhan.
Mandato ng bagong departamento ang lahat ng uri ng natural hazards at magkakaroon ito ng kapangyarihan na gawin ang ilang emergency measures upang maiwasan na may magbuwis ng buhay kapag may sakuna tulad ng implementasyon ng forced evacuation, curfew; at temporary take-over ng ano mang private utility o negosyo.
Bubuuin din ang National Disaster Operations Center (NDOC), Alternative Command Centers (ACC) at Disaster Resilience Research and Training Institute (DRRTI) na may kanya-kanyang mandato.
Mananatili naman ang local disaster risk reduction and management office sa mga probinsiya, munisipalidad at lungsod na tatawaging Provincial, City at Municipal Disaster Resilience Offices.
May kapangyarihan din ang DDR na irekomenda sa Pangulo na magdeklara ng state of calamity sa partikular na lugar sa bansa.
Binibigyan din sa panukala ng kapangyarihan ang Presidente ng bansa na magpataw ng parusang administratibo sa mga local chief executive at barangay official na nagpabaya sa panahon ng kalamidad.
Umaapela naman ang mga pangunahing may-akda ng panukala na sina TINGOG party-list Rep. Yedda Marie Romualdez at House Majority Leader Martin Romualdez sa Senado na madaliin na rin ang pagtitibay ng bersyon nito.