Panukalang libreng “funeral services,” itinutulak sa Kamara

Share this information:

ITINUTULAK ngayon sa Kamara ang isang panukala para gawing libre o kaya ay mabigyan ng diskuwento para sa “funeral services” ang mga mahihirap na Pilipino.

Nakasaad sa House Bill 10520 o ang “Free and Discount Funeral Services Act” na para sa mga mahihirap na pamilya ay malaking gastos ang burol at libing ng mga namayapang kaanak o mahal sa buhay, na karaniwang hindi bababa sa P10,000.

Upang mabigyan ng maayos na funeral service ang yumao, may mga pamilya na napipilitang mangutang sa “lenders” o mga nagpapahiram ng pera.

Ang malungkot dito, mayroong iba sa mga ito ay nagagawa pang manamantala at nagpapataw ng mataas na interes dahil ang mga nangungutang ay nagluluksa at agaran ang pangangailangan ng mga taong namatayan.

Kaya naman sa nabanggit ng panukala, isinusulong nito na mabigyan ng 50 porsiyento na diskwento sa funeral services ang mga mahihirap na pamilya na namatayan; habang libre para sa “extremely poor” o lubhang mahirap.

Kapag naging ganap na batas, maaaring mapakinabangan ang benepisyong ito matapos na makapagsumite ng mga kinakailangang dokumento o requirement, habang ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ang magsisilbing lead agency.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.