Obrero, kritikal sa pananaksak sa Navotas

NASA kritikal na kalagayan ang isang construction worker matapos itong pagtulungang gulpihin at pagsasaksakin ng tatlong kalalakihan sa Navotas City Linggo ng gabi.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Canter sanhi ng tinamong ilang saksak sa katawan ang biktima na kinilalang si Rafael Codilla, 26 anyos, ng Road 10 Sitio Sto. Niño Brgy. NBBS Proper.

Patuloy naman ang manhunt operation ng pulisya kontra sa suspek na kinilala sa alyas “Carlito” ng Santiago St., Brgy. NBBS Proper at sa dalawang hindi pa kilalang kasabwat nito.

Sa report ni PCpl. Billy Godfrey Aparicio kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-6 ng gabi, nagdiriwang ng simpleng okasyon ang biktima kasama ang kanyang pamilya sa loob ng kanilang bahay nang lumabas ito upang bumili ng sigarilyo sa kalapit na tindahan.

Habang nakatayo ito at nagsisigarilyo sa tapat ng tindahan ay nilapitan ito ng mga suspek at sa hindi malaman pang dahilan ay bigla lamang sinapak ni Carlito sa mukha ang biktima.

Tumulong na rin ang dalawang kasama ni Carlito sa pambubugbog sa biktima at nang tangkain umano nitong lumaban ay naglabas ng patalim ang mga suspek saka pinagsasaksak sa katawan si Codilla bago nagsitakas sa hindi pa matukoy na direksyon.

Isinugod naman sa naturang pagamutan si Codilla habang inaalam pa ng pulisya ang motibo sa insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.