Breaking News

Share this information:

DALA ng matinding usig ng konsensya ang dahilan ng pagsuko sa pulisya ng mag-amain na pangunahing mga suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa dalawang bata sa San Jose Del Monte City, Bulacan.

Ito mismo ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa personal nitong pagdalaw kahapon sa burol ng mga biktima na sina Lou Anderson Icalla, 8 anyos at ang 11-taong gulang na si Jenny De Vera sa Barangay Gumaok East.

Tinukoy ang mga suspek sa krimen na sina Romeo Ruzon, 41 anyos at ang kanyang 17 taong gulang na step-son na si Alfredo Panuncio, na kapitbahay lamang ng mga biktima.

Ayon kay Eleazar, sumuko ang mga suspek matapos ang isinagawang follow- up operation ng mga awtoridad.

Inimbitahan ang mag-amain matapos maging “persons of interest” base sa mga nakuhang ebidensya sa pinangyarihan ng krimen.

Sa gitna ng interogasyon ay dito inamin ng mga suspek ang pagpatay sa dalawang bata dala na rin umano sa matinding bagabag ng kanilang konsensya.

Inamin din ng dalawa na ginahasa  nila si De Vera bago pinagpupokpok ng bato sa ulo maging ang kasama nito hanggang sa mamatay.

“Matibay ang mga leads at ebidensiya na hawak ng mga imbestigador natin laban sa kanila. Hindi titigil ang PNP hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa kasong ito,” pahayag ni Eleazar.

Hinihintay pa ng PNP ang resulta ng drug test sa mga suspek upang malaman kung sabog sa droga ang mga ito nang mangyari ang krimen.

Kasalukuyang nakakulong ang mag-amain sa San Jose del Monte City PNP detention facility at nahaharap sa kasong rape with homicide at murder.

Matatandaang Mayo 12 nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa isang madamong  bakanteng lote ng Barangay Graceville ng nasabing lungsod.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: