NAIS nang isang mambabatas na maging mahusay at palakasin pa ang pangangasiwa at pagpapatakbo sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa probisyon ng Republic Act No. 7227.
Umapila si Bataan 1st District Representative Geraldine Roman sa kapwa niya kongresista upang mabilis ang pagsasabatas ng kanyang panukala na naglalaman ng amiyenda upang mapabuti ang koleksyon sa buwis, sa gayon madagdagan ang bahagi ng Local Government Units (LGU) na apektado at pati na rin ang bahagi ng national government.
“Revitalizing the bases conversion development, amending for the purpose RA No. 7227, otherwise known as the “Bases Conversion and Development Act of 1992,” as amended,” batay sa House Bill 530 na iniakda ni Roman.
“Panahon na para magsama ng mga probisyong susuporta sa pag-professionalize ng SBMA Board of Directors at magtitiyak ng kaligtasan ng publiko at seguridad ng free-port zone,” sabi ni Roman, chairperson ng House committee on women and gender equality.
Sa panukala, iniharap ni Roman ang reallocation formulas sa bahagi na matatanggap ng lalawigan ng Bataan at Pampanga mula sa dalawang porsiyentong tax on gross income mula sa lahat ng business enterprises sakop o nasa loob ng free-port zone.
“Nakasaad din sa panukala ang pagtatalaga ng mga karagdagang puwesto ng SMBA Board of Directors sa mga LGU at sa mga katutubong naninirahan sa loob ng Subic Bay Freeport Zone,” dagdag pa ni Roman.
Ayon kay Roman isinaalang-alang ang pag-amiyenda noong 17th Congress sa basehang nagpapatibay sa kapangyarihang ipinagkaloob sa SBMA sa pamamagitan ng RA No. 7227, bilang amiyenda.
Pantay na pagkakataon ang isinusulong ni Roman para sa lahat ng Filipino. Para sa kanya, ang pagkapantay-pantay sa pagtrato ng mga indibiduwal na walang hadlang, maling pananaw, kagustuhan, maliban ito’y may pagkakaiba at malinaw na makatwiran.