Pagkuha ng Periodic Medical Exam (PME) ng mga may driver’s license hindi na oobligahin – LTO 

INIHAYAG ng Land Transportation Office (LTO) na hindi na oobligahin ang pagkuha ng Periodic Medical Exam (PME) sa mga may driver’s license na may bisang lima at sampung taon.

Kasunod ito ng direktiba ni LTO Chief Jay Art Tugade na amyendahan ang LTO Memorandum Circular 2021-2285 o ang Supplemental Implementing Rules and Regulations of Republic Act 10930.

Alinsunod sa memorandum, bukod sa regular na medical examination bilang requirement sa aplikasyon ng bago o renewal ng driver’s license, obligado na sumalang sa periodic medical exam (PME) ang nabigyan ng 5-taon at 10-taong validity o bisa ng lisensya ng pagmamaneho. 

Sa pahayag ni LTO Chief Tugade, minabuti ng ahensya na hindi na obligahin ang PME batay na rin sa isinagawang pag-aaral dito. 

Dagdag pa ni Tugade, lumabas din sa mga datos na ang kabiguan na sumalang sa PME ay hindi kabilang sa mga dahilan ng aksidente sa lansangan.

Kasunod nito, isang beses na lang ang mandatory medical exam at ito ay tuwing bago makakuha o makapag-renew ng driver’s license.

For licenses who will be issued a 5-year validity driver’s license and 10-year validity driver’s license, the medical examination shall only be required sixty (60) days prior to or on the specified renewal date,” saad ng memorandum ni LTO Chief Tugade.

Para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) o Pilipinong naninirahan sa ibang bansa na may driver’s licence, magkakaroon sila ng 30 mula nang dumating sa Pilipinas bago sila mapayagan na makapagmaneho. 

Ayon kay Tugade, “Kami sa LTO ay naniniwala na ang hakbang na ito ay magdudulot ng bahagyang ginhawa sa publiko dahil bukod sa hindi na sila kailangang gumastos ng paulit-ulit para sa medical examinations, maiiwasan din ang dagdag-abala lalo na sa mga mahahalaga ang oras para sa trabaho. Nasa pagkukusa na lang ngayon ng bawat indibidwal kung nanaisin nilang sumalang sa medical examination.”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.