Pagkandidato ni Rep. Pichay, Jr., pinapakansela sa Comelec

Share this information:

PINAKAKANSELA sa Commission on Elections (Comelec) ang muling pagtakbo ni Surigao Del Sur 1st District Rep. Prospero Pichay, Jr., dahil sa kawalan umano nito ng kuwalipikasyon para humawak ng anumang posisyon sa public office.

Sa petisyon ni Construction Worker’s Solidarity (CWS) party-list Representative Romeo Momo, iginiit nito na dapat na kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni Pichay.

Sinabi ni Momo na wala nang karapatan si Pichay na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan dahil pinagtibay na ng Court of Appeals noong 2013 ang desisyon ng Ombudsman na guilty si Pichay ng “grave misconduct” na may kaparusahang dismissal sa government service at may kasamang habambuhay na diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang public office.

Batay pa sa petisyon ni Momo, sinadya ni Pichay na ideklara na eligible ito sa pagtakbo para sa public office at sumagot na “no”  o di ito nakitaan ng paglabag o napatawan ng perpetual disqualification na humawak ng pwesto sa gobyerno.

Ibinasura rin ng Ombudsman ang mosyon ni Pichay na baligtarin nito ang ipinataw sa kanyang guilty verdict sa kaso.

Wala naman umanong nakitang rason ang Ombudsman para pagbigyan ang motion for reconsideration ng mambabatas.

Ayon pa sa petisyon ni Momo, iginiit nitong i-disqualify na ang pagtakbo ni Pichay sa eleksyon 2022. Isinaad din nito ang dokumento na nagkukumpirmang kasama si Pichay sa mga umano’y listahan ng perpetually disqualified na maupo sa public office o muling magserbisyo sa gobyerno.

Matatandaan na hinatulang guilty si Pichay, dating chairman ng Local Water Utilities Administration (LWUA), at dalawa pang tauhan nito sa anomalya na paglalabas ng P780 milyon na pera ng LWUA para bumili ng 60 percent share ng isang local thrift bank, ang Express Savings Bank Inc. noong 2009.

Itinuloy ni Pichay ang pagbili ng naluluging banko kahit na tutol dito ang Department of Finance at pati na ang Office of the Solicitor General.

Base sa Ombudsman rules at sa mga desisyon ng Supreme Court, ang desisyon ng Ombudsman ay immediately executory kahit na may apela pa kaya dapat ay ipatupad ng Comelec bilang constitutional body ang desisyon ng Ombudsman na hindi na maaaring humawak ng posisyon sa gobyerno si Pichay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.