HINDI umano patas o “unfair” para akusahan at sisihin ang Health Technology Assessment Council (HTAC) para sa nasayang na 31 milyong doses ng COVID-19 vaccine, giit ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
Muling iginiit ni Vergeire na maraming kadahilanan kung titingnan sa kabuuan kung bakit nagkaroon ng wastage sa mga bakuna.
Ang komento ng DOH ay kasunod ng naging pahayag ni dating DOH chief at Iloilo Rep. Janet Garin na ang HTAC na siyang nagpapayo sa DOH ang siyang dapat pagbuntunan ng sisi sa nangyaring vaccine wastage.
Sinabi ng mambabatas na habang ang ibang bansa ay nagbibigay na ng COVID-19 booster shots, ang HTAC ay hindi pa nakakapagdesisyon kung kelan magbibigay ng booster shots at naghihintay pa ng resulta ng kanilang clinical trials.
Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na ang HTAC, Food and Drug Administration at iba pang eksperto ay nagtutulungan upang makabuo ng ebidensya na ang bakuna ay ligtas.
“So, I think there was really no one to blame a specific. Unfair din po na ma-blame natin yung ating mga experts. They did ther job. Lahat po ginawa natin expeditiously,” sabi pa ni Vergeire.
Dagdag pa ni Vergeire, hindi pa kumpleto ang mga ebidensya kaya ang mga eksperto sa bansa ay hindi maaaring pilitin na magdesisyon.
Sa kabuuang 31.3 milyong doses, nasa 24.4 milyong doses ang na-expire habang 7 milyon doses naman ang nasayang dahil sa temperature, kalamidad at mga nabuksang vials na hindi nagamit.