Breaking News

Share this information:

HANDANG sagutin ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na inihain ni Albay Governor Noel Rosal sa Supreme Court (SC) na humihiling na ipawalang-bisa ang kanyang diskwalipikasyon.

Aminado si Comelec Chairman George Garcia na hindi na sila nasurpresa sa naging hakbang ni Rosal na iakyat ang kaso sa Kataas-taasang Hukuman dahil ito ang final arbiter ng kontrobersyang ito.

Inaasahan na aniya ang aksyon ng gobernador ngunit sinabi nito na nananatili ang desisyon ng Comelec maliban kung pinigilan.

Nobyembre 21 nang maghain ng petisyon si Rosal sa Korte Suprema na humihiling na maglabas ng injunction o status quo ante order para itigil ang pagpapatupad ng desisyon ng Comelec na nagdiskuwalipika sa kanya bilang kandidato sa pagka-gobernador noong nakaraang halalan.

Nauna rito, pinaboran ng Comelec First Division ang  petisyon ni Joseph San Juan Armogila na inaakusahan ang gobernador ng Albay ng paglabag sa 45-day spending ban sa ilalim ng Omnibus Election Code (OEC).

Ibinasura naman noong Nobyembre 18 ng Commission en banc ang apela ni Rosal at binanggit na walang dahilan upang baligtarin ang desisyon ng First Division noong Setyembre 19, 2022.

Si Rosal ay nanalo bilang gobernador ng Albay sa nagdaang halalan noong Mayo 9, 2022.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.