SINIMULAN na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paghahanda para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na gaganapin sa Hunyo 30.
Kabilang na rito ay ang mga pagsasaayos sa harapang bahagi ng National Museum sa kahabaan ng Padre Burgos Avenue sa Maynila
Ayon kay Virgilio Oralla, Project Engineer ng DPWH South Manila Engineering District, Hunyo 20 ang itinakdang petsa para matapos ang mga paghahanda.
Kabilang dito ang pagtatayo ng entablado na gagamitin sa aktibidad at ang pagkakabit ng malaking tolda bilang pananggalang sa ulan at araw
Kasama rin sa ihahanda ang kahabaan ng Burgos Avenue mula Roxas Blvd hanggang sa may Manila City Hall para sa pamilya at sa mga darating na personalidad na sumaksi sa aktibidad.
Hindi naman na makapagbigay ng dagdag impormasyon si Engineer Oralla dulot ng konsiderasyon sa seguridad bukod sa ang iba pang detalye nang paghahanda ay hawak na ng Protocol team ng Malacanang at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Sa ngayon ay sinimulan nang pinturahan ang matayog na flagpost sa harap ng Pambansang Museo at inalis na rin ang mga nagsisilbing proteksyon ng mga bisita mula sa init at ulan.
Hindi naman nagbigay ng impormasyon pa ang National Museum kung anong mga paghahanda ang ginagawa na rin nila para sa inagurasyon ni Marcos.
Nauna nang ginamit ang gusali ng National Museum na higit na kilala rin noon bilang Legislative Building nina noo’y Pangulong Manuel Luis Quezon, Jose Laurel at Manuel Roxas para sa kanilang inagurasyon.