NAGSISIMULA na ang Commission on Elections (Comelec) sa paghahanda nito para sa pagdaraos ng Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa darating na Oktubre.
Nagpulong na ngayong araw ang Regional Director, mga Provincial Election Supervisor, at field personnel ng Comelec sa BARMM.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, kabilang sa mga tinalakay ay ang karahasan kasama ang mga naging problema sa mga nagdaang mid-term election.
Layon ng ginawang pagpupulong ang maresolba ang mga usaping ito at masiguro ang mas maayos na pagdaraos ng halalan.
Posible rin na maglagay ng mas maraming Starlink o satellite connection para sa transmission ng boto dahil na rin sa naranasang hirap sa signal pagkatapos ng botohan noong Mayo 12.
Sinabi ni Garcia na tig-isang automated counting machine na lamang ang maaaring mailaan na reserba na Automated Counting Machine sa kada presinto para sa parliamentary elections dahil limitado na rin ang eleksyon sa BARMM.

