Mayor-elect Domagoso, nanumpa na bilang bagong alkalde ng lungsod ng Maynila

NANUMPA na si Manila Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang bagong halal na alkalde ng lungsod ng Maynila.

Ayon sa Transition Team ni Domagoso, pinangunahan ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho Jr. ang “oath taking” ni Domagoso bilang bagong alkalde ng Maynila nitong Mayo 19, 2025 sa Supreme Court En Banc Session Hall sa Ermita, Maynila.

Kumpleto naman ang buong pamilya ni Domagoso kasama ang kanyang maybahay na si Dynee; mga anak na sina Patrick, Frances, at Franco, gayundin ang 1st District Councilor-elect ng Maynila na si Joaquin Domagoso, na nanumpa rin sa harap ni Justice Kho.

Ayon kay incoming Manila City Information Officer E-jhay Talagtag, para markahan ng bagong alkalde ang pagbabalik sa Manila City Hall ay mas pinili nito ang isang simpleng seremonya.

Sa mga gustong dumalo sa kanyang oath taking, humingi ng paumanhin ang alkalde. Paliwanag niya , nais niyang mapabilis ang oath-taking para makapagsimula kaagad siya ng trabaho sa Hunyo 30 ng tanghali.

Dahil nahaharap sa maraming hamon ang lungsod, tiniyak ni Domagoso na hindi siya magsasayang ng oras dahil higit ngayon na nangangailangan ng agarang atensyon at pagtugon sa mga hamong ito.

Ang nakuhang malaking suporta ni Domagoso mula sa mga botante ay sumasalamin sa matinding pagnanais ng mga Manileño na ibalik ang isang 24/7 na gobyerno na kilala sa mabilis na pagkilos at epektibong solusyon. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.