Labis na ikinabahala ng Department of Health (DOH) ang pagdagsa ng mga tao sa Manila Bay dahil sa kasabikan na makita ang white sand beach na mala Boracay roon.
Ayon kay DOH Spokesman Ma. Rosario Vergeire, kapansin pansin na dagsa ang mga tao kung saan ilan sa mga ito ay mga bata at senior citizens na pinagbabawalan pa ring lumabas dahil nasa gitna pa rin ng pandemya ang bansa.
“Kailangan pa rin i-implement ang minimum health standards. Kailangan mapa-alalahanan ang ating mga kababayan na delikado itong sitwasyon, puwedeng magkaroon ng pagkakahawa-hawa kapag hindi ipinatupad ang minimum health standards,” ani Vergeire.
Kapansin pansin na hindi nasunod ang social distancing dahil sa pagdagsa ng mga tao na sabik makita ang Manila Bay white sand beach.
Samantala, makikipag usap si Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano kay Enviroment Secretary Ed Cimatu upang talakayin kung sino ang mga opisyal na posibleng managot dahil sa mass gathering na labag sa quarantine protocols.
Nauna ng ni-relieve sa pwesto si Manila Police District (MPD) Ermita Police Station Commander Police Lt. Col. Ariel Caramoan dahil bigo itong maipatupad ang health protocols sa lugar.