Isko sa publiko: Pagbisita sa ‘Manila Bay Sands,’ ipagpaliban muna

Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa publiko na ipagpaliban muna ang pagbisita sa tinaguriang “Manila Bay Sands.”

Kasunod na rin ito nang pagdagsa ng mga tao sa Roxas Boulevard nitong mga nagdaang araw para masaksihan ang parte ng Manila Bay na tinambakan ng dinurog na dolomite upang magmukhang white sands.

Gayunman, dahil sa pagnanais ng mga tao na makita ang lugar ay hindi na nasunod ang social distancing at iba pang health protocols, gayung nananatili pa rin sa bansa ang pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam sa alkalde, matapos ang flag raising ceremony nitong Lunes ng umaga, sinabi niya na maraming nasisiyahan at nagagalak sa nangyari sa Manila Bay dahil ang imposible naging posible.

Gayunman, nagpaalala ang alkalde na may pandemya pa at may pangamba o panganib sa lungsod ng Maynila dahil sa COVID-19.

Kinumpirma rin ng alkalde ang nangyaring pagsibak sa station commander ng Manila Police District  (MPD) Ermita Police Station 5 na si Police Lt. Col. Ariel Caramoan dahil sa bigo itong maipatupad ang health protocols.

Binigyang- diin din ni Moreno na gustuhin man ng mga mamamayan na makita ang Manila Bay Sands, ay hindi pa ito maaari ngayon at may iba pang panahon para rito.

Pinakiusapan na rin aniya ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bakuran na ang lugar, lalo’t may konstruksyon pang ginagawa roon.

Idinagdag pa ni Moreno na sapat na siguro na napanuod sa mga balita sa telebisyon o narinig sa radyo at social media ang ganda ng Manila Bay, kaya ipagpaliban na muna ng publiko ang anumang planong pagbisita sa Manila Bay Sands.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.